top of page

Quarantales - Ate Ryn: A Haircutter's Story





Si Ate Ryn ang suki naming manggugupit simula noong nasa hayskul pa ako. At nagpagupit ako sa kaniya nung isang araw, ngayon mismong panahon ng Quarantine. Siya ay may footbath, naka-face mask at nakababad sa alcohol ang mga kagamitan nya sa paggugupit. Ako'y naka-face mask din at naupo.


Dala na marahil ng katahimikan kaya nakipagkwentuhan ako sa kaniya. Hindi ko yan ginagawa noon kasi di ko feel.


Nagsimula akong magtanong tanong tungkol sa buhay niya bilang may-ari ng salon. Naisip ko kasi na napakatibay niya at ng kaniyang negosyo dahil matagal tagal na rin ito.


Natuto siyang mag-pedicure sa edad na 18 taong gulang. Nag-aral sya ng vocational course sa paggugupit. Doon daw ay sariling sikap kung paano ka gugupit ng buhok. May instructor na magtuturo ngunit ang aktwal na gupit ay nasa mga estudyante.


Mahirap noon ang buhay nila sa probinsya sa Mindanao kaya sinubukan nyang umekstra sa parlor pagkatapos niyang mag-aral. Makalipas ang di ko maalalang panahon ay lumuwas siya sa Metro Manila at dito na nakapagtayo ng sarili niyang salon.


Siya lang mag-isang nagpapatakbo ng kaniyang salon simula noon hanggang ngayon. Higit kumulang 30 taon na. Napalaki niya ang kaniyang 2 anak sa negosyong ito.


Masaya niyang binabalikan ang mga araw niya noon. Pinakamarami niyang appointment dati ay kasal at debut sa mga sikat na hotel pa. Minsan ay pumapayag siya ng home service kapag may okasyon sa piling mga suki niya.


Nang tinanong ko kung ano yong palaging pinapagawa ng customers nya, ito ay ang paggugupit sa buhok at pagpapakulay. Isa na ako sa suki niya sa pagpapagupit ng buhok. Alam mo ba na noong nakaraang taon at ngayong nagpagupit ako sa kaniya kuhang-kuha niya kung ano ang gusto kong istilo ng gupit - layered at may body? Bagay naman sa manipis kong buhok ang gusto kong istilo wika pa niya.


Bumalik tayo sa kwento niya, kung tatanungin siya kung bakit nya gusto ang negosyong ganito, heto ang isasagot niya, "Pinakagusto ko na hawak ko ang oras ko. Ito ang negosyong hindi napapanis, madadala kahit saan at kailangan talaga ng mga tao."


Naikwento rin niya na ayaw niya katrabaho ang bading sa salon kasi masaya sila kasama pero moody sa trabaho. Nararamdaman ko na base ito sa kaniyang naranasan noon.


Ano naman kaya ang pinakamahirap niyang buhok na nagupitan sa buong haircutting career niya? Wala. "Wala, basta marunong ka naman," ani pa niya.


Sabi pa ni Ate Ryn sa akin, bakit ako nagtatanong, magtatayo ba raw ako o papasok sa paggugupit. Ang sagot ko ay hindi. Nabibilib ako sa kaniya dahil kinaya niya ang paggugupit mag-isa at napalago ang negosyong ito. Nitong quarantine, nagbukas sya para saming mga suki lang nya. Inaabangan talaga namin siya.


Ang mahusay gumupit ng buhok ay binabalikan talaga ng mga tao. Kapag ang gustong gupit o istilo ay nakuha ng tagagupit tiyak na matutuwa at ipagkakatiwala sa kaniya ang buhok ng nagpapagupit. Mabuhay si Ate Ryn - isang babaeng negosyante, all around sa mga serbisyo ng kaniyang salon, magaling makisama at masipag.


Ang pangalan ni Ate Ryn ay pinalitan para sa blog na ito.


 
 
 

תגובות


bottom of page